Hindi nakalusot sa checkpoint ang isa pang istilo ng tangkang pagpupuslit ng iligal na droga matapos makuhanan ng P7.8 milyon na halaga ng dried marijuana leaves ang isang lalaki sa lalawigan ng Kalinga.
Sakay sa motorsiklo ang suspek na kinilalang si Michael Assudo, 35-anyos, at residente sa Brgy Loccong, Tinglayan nang masakote sa checkpoint sa Barangay Calanan, Tabuk City.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni P/Col. Davy Vicente Limmong, Provincial Director ng Kalinga Police Provincial Office na iniwasan pa ng suspek ang ckekpoint at mabilis na tumakas ngunit nahabol ito ng pulisya hanggang sa Brgy. Bado Dangwa, Tabuk City.
Nang mahabol ang suspek ay nakita sa kanya ang isang box ng kilalang courier company pero nang suriin ay nakita sa loob nito ang nasa 65 bricks ng marijuana bricks na tumitimbang ng mahigit 65 kilos.
Ayon kay Limmong, galing sa Tinglayan ang naturang mga marijuana na idedeliver sana sa hindi pa matukoy na indibidwal.
Isinasailalim na sa interogasyon ang suspek na nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165.