Inaasahang matatapos bago matapos ang 2026 ang feasibility study para sa planong strategic petroleum reserve facility sa Bataan, ayon sa Philippine National Oil Company (PNOC).

Sa pagdinig ng Senate Committee on Energy, sinabi ni PNOC Corporate Secretary Antonio Buenviaje na nakikipag-ugnayan sila sa Ministry of Economy, Trade and Industry ng Japan para sa pag-aaral ng 15-milyong bariles na oil reserve sa Bataan.

Kasunod nito, isasagawa rin ang feasibility study para sa isa pang 15-milyong bariles na reserve facility sa Mindanao.

Layunin ng national oil stockpiling program na magkaroon ng reserbang suplay ng langis na maaaring gamitin ng pamahalaan sa panahon ng kakulangan sa pandaigdigang suplay, kalamidad, o matinding pagtaas ng presyo ng langis.

Ayon naman sa Department of Energy, patuloy na binubuo ang feasibility studies, financing options, at implementation plans para sa proyekto, habang inaasahang bibisita rin sa bansa ang technical mission mula sa Japan upang tumulong sa pagpaplano at pagpapatupad nito.

-- ADVERTISEMENT --