
Inihayag ni Senate President Sherwin Gatchalian na maaaring matapos sa loob ng tatlo hanggang anim na buwan ang pagtalakay at pag-apruba sa mga panukalang batas na naglalayong alisin ang system loss charge sa singil sa kuryente.
Ayon kay Gatchalian, may pagkakaisa na ang Malacañang, Senado at Kamara sa pagsusulong ng hakbang kasunod ng panawagan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang ikalimang State of the Nation Address (SONA)
Kabilang si Gatchalian sa mga senador na naghain ng panukala, kasama sina Senate President Pro Tempore Vicente “Tito” Sotto III, Senador Erwin Tulfo, at Senador JV Ejercito.
Sa Kamara, naghain din ng kaparehong panukala sina Navotas Representative Toby Tiangco at Quezon City 5th District Representative Patrick Michael Vargas.
Gayunman, sinabi ni Gatchalian na magiging mahalagang papel ng Energy Regulatory Commission (ERC) ang pagtiyak na hindi ililipat ng mga distribution utility ang system loss sa iba pang singil sa kuryente kapag naisabatas ang panukala.
Samantala, nagpahayag ng suporta ang ERC sa planong amyendahan ang Electric Power Industry Reform Act (EPIRA) upang hindi na maipasa sa mga konsyumer ang naturang singil.










