Inilipat ng Korte Suprema sa Quezon City Regional Trial Court (RTC) ang pagdinig sa mga kasong may kaugnayan sa mga nawawalang sabungero, ayon sa Department of Justice (DOJ).

Sinabi ni DOJ Spokesperson Atty. Polo Martinez na mula sa mga Regional Trial Court sa Lipa, Batangas, Sta. Cruz at San Pablo sa Laguna, diringgin na sa Quezon City RTC ang mga kasong Kidnapping with Homicide at Kidnapping and Serious Illegal Detention.

Ayon kay Martinez, naghain ng mosyon ang panel of prosecutors para ilipat ang mga kaso dahil sa mga usaping may kaugnayan sa seguridad at sa bigat ng mga ito.

Aniya, inilabas ng Korte Suprema ang kaukulang resolusyon noong Pebrero 5, ngunit nitong Abril at Mayo lamang naisagawa ang raffle at pormal na naipaalam sa mga hukuman na hahawak sa mga kaso.

Samantala, nagtungo sa DOJ ang ilang kaanak ng mga nawawalang sabungero at nagsagawa ng case conference kaugnay ng kanilang reklamong obstruction of justice laban sa abogado ni Atong Ang.

-- ADVERTISEMENT --

Batay sa reklamo, umano’y may ibinigay na pera kapalit ng pagbaligtad ng mga pahayag na may kaugnayan sa kaso.