
Iimbestigahan ng Philippine National Police (PNP) ang mga ulat ng umano’y panggigipit at pagtatangkang impluwensyahan ang pamilya ng mga nawawalang sabungero sa gitna ng nagpapatuloy na imbestigasyon sa kaso.
Ayon kay PNP chief Police General Jose Melencio Nartatez Jr., nakahanda rin ang pulisya na magbigay ng seguridad sa mga kaanak ng mga nawawala upang matiyak ang kanilang kaligtasan at maiwasan ang anumang panghihimasok sa legal na proseso.
Lumabas ang pahayag matapos magreklamo ang ilang pamilya na umano’y may mga taong kaugnay sa kampo ng negosyanteng si Charlie ‘Atong’ Ang na humihikayat sa kanila na huwag dumalo sa mga pagdinig kapalit ng pera.
Itinanggi naman ito ng kampo ng negosyante.
Binigyang-diin ng PNP na hindi magtatapos sa pagsasampa ng kaso ang kanilang aksyon at sisiguraduhin nilang hindi mababale-wala ang proseso ng hustisya habang nagpapatuloy ang imbestigasyon sa pagkawala ng mga sabungero.








