Isinisi ng Kamara sa Senado ang kabiguang maipasa ang panukalang batas ukol sa umento sa sahod bago magtapos ang ika-19 na Kongreso.

Ayon kay House spokesperson Atty. Princess Abante, tinuldukan ng Senado ang panukalang P200 wage hike na aprubado na ng Mababang Kapulungan noong Hunyo 4.

Aniya, hindi nagpakita ng interes ang Senado na makipag-usap para sa isang bicameral conference at sa halip ay iginiit na tanggapin na lamang ng Kamara ang nauna nang ipinasa ng Senado na P100 wage hike noong Pebrero 2024.

Nagpadala umano ng liham si Rizal Rep. Fidel Nograles, chairman ng House Committee on Labor, kay Sen. Joel Villanueva upang hilingin ang agarang pagbuo ng bicameral conference committee noong Hunyo 11 para pag-isahin ang dalawang bersyon ng panukala.

Ngunit iginiit ni Abante na hindi tinugon ng Senado ang paanyaya ng Kamara.

-- ADVERTISEMENT --

Dagdag pa niya, hindi ito pagkukulang ng Kamara dahil ginawa nila ang kanilang tungkulin, samantalang iniwan naman ng Senado sa ere ang mga manggagawa.

Samantala, iginiit ni Senate President Chiz Escudero na hindi dapat isisi sa kanila ang pagkaantala ng panukala.

Ayon sa kanya, matagal nang ipinasa ng Senado ang kanilang bersyon at sinabing mahigit isang taon itong hindi ginalaw ng Kamara.

Samantala, sinabi ni Sen. Villanueva na may pangambang ma-veto ng Pangulo ang P200 wage hike kaya’t mas mainam umano ang mas konserbatibong P100 na dagdag.

Idinagdag pa ni Escudero na ang wage hike ay hindi kabilang sa mga prayoridad ng LEDAC, ayon sa Malacañang.