
Iginiit ng Malacañang na dapat harapin ni Senator Rodante Marcoleta ang kinahaharap nitong kasong plunder at hayaan ang proseso ng batas na umusad.
Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro, nakabatay ang kaso sa sariling pag-amin ni Marcoleta na tumanggap siya ng ₱75 milyon mula sa tatlong donors habang siya ay kongresista.
Binigyang-diin ni Castro na sa ilalim ng Anti-Plunder Law, maaaring ituring na ill-gotten wealth ang anumang komisyon, regalo, kickback o iba pang benepisyong natanggap kaugnay ng isang proyekto o kontrata ng pamahalaan.
Tinutulan din ng Palasyo ang pahayag ni Marcoleta na mapipigilan ang paglalantad ng mga umano’y anomalya sa flood control projects kung siya ay maaaresto.
Anila, hindi nakasalalay sa iisang tao ang paghahanap ng katotohanan dahil maaari ring tumulong ang iba pang testigo, resource persons at mga mamamahayag.
Dagdag pa ng Malacañang, wala umanong kinalaman si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa anumang kasong maaaring isampa laban kay Marcoleta dahil nasa hurisdiksyon ito ng Office of the Ombudsman.










