TUGUEGARAO CITY-Kasalukuyan nang nagsasagawa ng imbestigasyon ang iba’t-ibang departamento ng Tuguegarao City Airport sa isyu ng tanim-bala na kumalat sa social media.

Una rito,naalarma ang naturang paliparan matapos kumalat sa social media ang post ni Mayor Atty. Cristina Antonio,ng Alcala,Cagayan, anak ng dating gobernador na umano’y biktima siya, kasama ang kanyang pamilya ng tanim-bala.

Nakasaad sa post ni Atty. Antonio,Hulyo 16,2019 nang magtungo ang kanyang pamilya sa lungsod ng Maynila at habang nasa paliparan , nilapitan sila ng isang empleado at tinulungan sa pagbuhat ng kanilang gamit.

Ngunit ikinabigla ni Atty. Antonio nang makita sa X-ray na mayroong laman na bala ang isa sa kanilang dalang bag.

Batay parin sa post, agad na pinabulaanan ni Atty. Antonio sa mga empleado na hindi sa kanila ang naturang bala.

-- ADVERTISEMENT --

Tinangka rin umano ng isa pang empleado na humingi ng pera bilang kapalit ngunit kalaunan ay humingi rin ng dispensa.

Kaugnay nito, sinabi ni Mary Sulin Sagorsor, Area Manager ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) na nagsasagawa na ang kanilang grupo ng imbestigasyon kasama ang hanay ng PNP- Aviation Security Group ukol sa naturang pangyayari.

Ayon kay Sagorsor, normal ang operasyon ng naturang paliparan ng araw na nangyari ang naturang insidente kung kaya’t wala silang kaalam-alam sa pangyayari.

Ngunit sa kabila nito, sinabi ni Sagorsor na sisiguraduhin ng kanilang grupo na mapapanagot at mapaparusahan ang nasa likod ng tanim bala incident.

Humingi rin ng paumanhin si Sagorsor sa publiko dahil sa naturang pangyayari.