
Muling haharap sa dagdag-presyo ang mga motorista ngayong linggo matapos ianunsyo ng ilang kompanya ng langis ang panibagong pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.
Ayon sa abiso ng Shell Pilipinas Corp., magpapatupad ito ng price hike simula 6:00 ng umaga ng Martes, Pebrero 3. Tataas ng P0.80 kada litro ang gasolina, P1.60 ang diesel, at P1.10 naman ang kerosene.
Ito na ang ikaapat na sunod na linggo ng pagtaas ng presyo ng gasolina, habang ikaanim na linggo naman ng sunod-sunod na pagmahal para sa diesel at kerosene.
Sa ngayon, wala pa namang inilalabas na pahayag ang iba pang oil companies kung susunod din sila sa panibagong taas-presyo.
Nauna nang nagbabala ang Department of Energy–Oil Industry Management Bureau (DOE-OIMB) na posibleng tumaas ang presyo ng petrolyo ngayong linggo. Ilan sa mga dahilan na binanggit ng ahensya ay ang mabagal na pagbangon ng produksyon sa Tengiz oil field sa Kazakhstan, ang tumataas na risk premium kaugnay ng Iran, at ang desisyon ng OPEC+ na pansamantalang ihinto ang pagtaas ng oil output.
Noong nakaraang linggo, nagpatupad na rin ng price hike ang mga retailer kung saan tumaas ng P0.40 ang gasolina, P1.40 ang diesel, at P0.80 ang kerosene kada litro.
Dahil dito, inaasahang muling maaapektuhan ang transport sector at ang pang-araw-araw na gastusin ng mga mamimili.










