Inalis na ng Department of Agriculture o DA ang pansamantalang pagbabawal sa pagpasok ng poultry products mula sa Belgium matapos matiyak ng pamahalaan na sapat ang disease-control measures ng naturang bansa laban sa bird flu o High Pathogenicity Avian Influenza (HPAI).

Sa inilabas na department circular, pormal na kinilala ng DA ang regionalization protocols ng Belgium laban sa HPAI, dahilan upang payagan muli ang pag-aangkat ng poultry products mula sa mga lugar na idineklarang ligtas sa naturang sakit.

Kabilang sa mga produktong sakop ng lifting ng ban ang poultry meat, itlog, day-old chicks, at breeding materials.

Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., nakabatay umano sa siyensiya at maingat na risk assessment ang naging desisyon ng kagawaran upang mapanatili ang biosecurity habang sinisiguro rin ang sapat at abot-kayang suplay ng pagkain para sa mga mamimili.

Sinabi rin ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na ipinapakita ng hakbang na maaaring maging mas epektibo ang disease management sa pamamagitan ng mas tiyak na pamamaraan kaysa sa pagpapatupad ng blanket ban.

-- ADVERTISEMENT --

Dagdag pa ng DA, tanging mga lugar lamang na kinikilalang disease-free zones ang papayagang mag-export ng poultry products sa bansa upang matiyak na hindi makokompromiso ang kalusugan ng lokal na industriya ng manok.