
Magpupulong ngayong linggo ang Development Budget Coordination Committee (DBCC) upang talakayin ang posibleng paggamit ng emergency powers para suspendihin o bawasan ang excise tax sa mga produktong petrolyo, ayon kay Ferdinand Marcos Jr.
Ayon sa Pangulo, nilagdaan niya noong Marso 25 ang Republic Act No. 12316, na nagbibigay sa kanya ng kapangyarihang pansamantalang itigil o bawasan ang excise tax sa langis kung kinakailangan.
Sa ilalim ng batas, maaaring ipatupad ang suspensyon o pagbawas ng buwis kapag ang average na presyo ng Dubai crude oil (batay sa Mean of Platts Singapore o MOPS) ay umabot o lumampas sa USD 80 kada bariles sa loob ng isang buwan bago ilabas ang kautusan.
Nakasaad din na ang suspensyon o pagbawas ay maaari lamang tumagal nang hanggang tatlong buwan.
Maaari itong ipatupad sa piling produkto lamang at maaaring buong pagtanggal o bahagyang bawas sa excise tax.
Narito ang kasalukuyang excise tax sa ilang produktong petrolyo mula sa TRAIN Law:
Lubricating oils at greases – ₱10/litro
Processed gas – ₱10/litro
Waxes at petrolatum – ₱10/kilo
Denatured alcohol – ₱10/litro
Gasoline (kabilang ang unleaded premium) – ₱10/litro
Aviation fuel – ₱4/litro
Kerosene – ₱5/litro
Diesel – ₱6/litro
LPG – ₱3/kilo
Asphalts – ₱10/kilo
Bunker fuel – ₱6/kilo
Petroleum coke – ₱6/metric ton
Kung tuluyang aalisin ang excise tax, maaaring bumaba ang presyo ng mga nasabing produkto.
Awtomatikong babalik sa dati ang buwis kapag bumaba sa ilalim ng USD 80 ang presyo ng langis sa loob ng isang buwan, o matapos ang tatlong buwang implementasyon.
Samantala, obligado ang mga kumpanya ng langis na magsumite buwan-buwan ng detalye ng presyo sa Department of Energy (DOE) habang umiiral ang suspensyon.
Batay sa datos ng DOE, mula bago ang pag-atake ng US at Israel laban sa Iran hanggang sa ikaapat na linggo ng krisis (Pebrero 24 hanggang Marso 30, 2026), malaki ang itinaas ng presyo ng langis.
Tumaas ng 34 percent hanggang 43 percent ang gasolina, humigit-kumulang na 50 percent ang itinaas ng presyo ng diesel, habang 45 percent naman ang itinaas ng kerosene.
Dahil dito, inaasahang makatutulong ang posibleng suspensyon ng excise tax upang maibsan ang epekto ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis sa bansa.










