
Hinikayat ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) at Russia na paigtingin ang kooperasyon sa maritime security at kontra-terorismo upang matugunan ang lumalawak na mga hamon sa seguridad at geopolitika sa rehiyon.
Sa kanyang talumpati bilang co-chair ng ASEAN-Russia Summit sa Kazan, binigyang-diin ni Marcos ang tatlong pangunahing prayoridad para sa mas matibay na ugnayan ng ASEAN at Russia ang kapayapaan, seguridad at katatagan, mas masiglang ugnayang pang-ekonomiya, at pagpapalakas ng koneksyon ng mga mamamayan.
Ayon sa Pangulo, mahalaga ang tuloy-tuloy na pakikipag-ugnayan sa larangan ng pulitika at seguridad sa panahon ng tumitinding kawalang-katiyakan sa pandaigdigang sitwasyon.
Aniya, ang mga banta gaya ng terorismo, iligal na kalakalan, cybercrime at online scams ay hindi nakikilala ang mga hangganan ng bansa kaya kinakailangan ang sama-samang pagtugon ng mga estado.
“Dapat nating palakasin ang praktikal na kooperasyon sa maritime security at kontra-terorismo, paigtingin ang ating kakayahan laban sa mga banta sa cyberspace, at linangin ang kultura ng maagap na pagtugon sa halip na simpleng pagre-react lamang sa mga hamon,” saad ni Marcos.
Sa usaping pang-ekonomiya, sinabi ng Pangulo na bagama’t lumalago ang kalakalan at pamumuhunan sa pagitan ng ASEAN at Russia, hindi pa nito naaabot ang buong potensyal nito.
Binigyang-diin niya ang pangangailangang palawakin ang mga oportunidad sa negosyo, pagbutihin ang kalakalan, at palalimin ang investment flows, lalo na sa mga sektor ng pagkain at enerhiya na aniya’y mahalaga sa katatagan ng rehiyon.
Hinimok din ni Marcos ang pagsasama ng micro, small and medium enterprises (MSMEs) at mga umuusbong na industriya sa mga programang pang-ekonomiya ng dalawang panig.
Samantala, binigyang-halaga rin ng Pangulo ang pagpapalakas ng ugnayan ng mga mamamayan sa pamamagitan ng mga scholarship, student exchange programs, academic partnerships, turismo at sining.
Ayon kay Marcos, ang mga ugnayang nabubuo sa pagitan ng mga mamamayan ay nagpapatibay sa relasyon ng mga bansa at tumatagal higit pa sa mga deklarasyong inilalabas sa mga summit.
Idinaos ang ASEAN-Russia Summit bilang paggunita sa ika-35 anibersaryo ng ugnayan ng ASEAN at Russia.
“The Philippines approaches this summit not just as a ceremony of commemoration, but as a renewed call to action,” ani Marcos.










