
Naniniwala si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na mas makabubuti kung personal na dadalo si Vice President Sara Duterte sa nalalapit na impeachment trial upang direktang sagutin ang mga paratang laban sa kanya.
Sa isang panayam sa Vancouver, Canada bago ang kanyang pag-uwi sa Pilipinas, sinabi ng Pangulo na magiging mas malinaw at mas madaling maunawaan ang proseso kung ang mismong inaakusahan ang sasagot sa mga alegasyon sa halip na dumaan lamang sa mga abogado.
Gayunman, nilinaw ni Marcos na personal na pananaw lamang niya ito at hindi isang legal na opinyon.
Aniya, kung siya ang nasa katayuan ni Duterte, pipiliin niyang humarap sa impeachment court at direktang ipaliwanag ang kanyang panig kahit pa payuhan siyang huwag dumalo ng kanyang mga abogado.
Nakatakdang magsimula ang impeachment trial ni Duterte sa Hulyo 6, matapos siyang ipatawag ng Senate impeachment court upang humarap nang personal o sa pamamagitan ng kanyang legal counsel.
Ang paglilitis ay gaganapin tuwing Lunes hanggang Miyerkules bago ang State of the Nation Address, at lilipat sa Martes hanggang Huwebes pagkatapos nito.
Samantala, muling iginiit ni Marcos na nagpapatuloy pa rin ang kampanya ng pamahalaan laban sa katiwalian, lalo na sa mga anomalya sa flood control projects.
Aniya, mas marami pang iregularidad ang natutuklasan habang lumalalim ang imbestigasyon, kabilang ang mga proyekto na isinagawa bago pa ang kanyang administrasyon.
Binigyang-diin din ng Pangulo na ang kanyang administrasyon ang unang nagsagawa ng malawakang imbestigasyon, pag-freeze ng mga bank account at paghahain ng mga kaso kaugnay ng umano’y katiwalian sa flood control projects, kaya itinanggi niyang may batayan ang mga akusasyon ng selective justice.










