
Hiniling ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa dalawang kapulungan ng Kongreso ang pansamantalang pagsuspinde sa pagpapatupad ng batas na nagreporma sa real property valuation system.
Sa ginanap na Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC) meeting sa Malacañang noong Huwebes, muling inihayag ni Marcos ang panawagan na ipagpaliban ang implementasyon ng Real Property Valuation and Assessment Reform Act o Republic Act No. 12001 (RPVARA).
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, layunin ng panukalang suspensyon na maiwasan ang karagdagang gastos sa ari-arian para sa mga negosyo, suportahan ang mga pamumuhunan, at matiyak ang mas maayos at unti-unting transisyon sa bagong valuation system.
Nilagdaan ni Marcos ang RPVARA noong 2024 upang i-update ang sistema ng pagtaya sa halaga ng mga ari-arian sa bansa sa pamamagitan ng pagkakaroon ng mas pare-parehong paraan ng appraisal na nakaayon sa pandaigdigang pamantayan.
Sa ilalim ng batas, gagamitin ang prevailing market value bilang pangunahing batayan sa pagtukoy ng halaga ng ari-arian para sa real property tax assessment.
Nakatakdang ganap na ipatupad ang naturang batas pagsapit ng 2028.










