Inilunsad ngayong Huwebes ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) Skills Passport Mobile Application, isang bagong digital tool na ginawang mas madali ang access ng mga Pilipino sa teknikal na edukasyon, pagsasanay, at oportunidad sa trabaho.

Sa paglulunsad ng mobile app, pinagtibay ni Pangulong Marcos na patuloy na palalawakin ng kanyang administrasyon ang mga scholarship at skills training programs, na pinatunayan ng paglaan ng halos PhP20 bilyon sa TESDA ngayong 2026, ang pinakamalaking badyet sa kasaysayan ng ahensya.

Sa pamamagitan ng TESDA Skills Passport Mobile App, ang mga gagamit nito ay maaaring magplano ng kanilang pagsasanay, mag-aral online, at mag-apply para sa mga scholarship gamit ang iisang platform.

Ang app ay nagsisilbi ring job portal na mag-uugnay sa mga TESDA-certified na indibidwal sa mga employer at industry partners sa buong bansa, ayon sa Pangulo.

Tiniyak ni Pangulong Marcos sa publiko na ligtas ang TESDA Skills Passport Mobile App at protektado ang lahat ng data at credential ng mga gagamit ng app.

-- ADVERTISEMENT --

Bilang isang komprehensibong digital platform, ipinagsama ng TESDA Skills Passport Mobile App ang mga serbisyo sa pag-aaral, sertipikasyon, trabaho, at scholarship.

Ang mga gagamit ng app ay maaaring bumuo ng mga na-verify na digital identities, masubaybayan ang kanilang progreso, maghanap ng mga oportunidad sa trabaho, at madaling ma-access ang suporta ng pamahalaan.

Ang app ay dinisenyo at pamamatnugutan ng TESDA Information and Communication Technology Office. Ang TESDA Skills Passport Mobile App ay maaaring ma-download sa mga Android and iOS devices. | PND