Itinanggi ng Philippine Coast Guard na tinulungan ng mga tauhan ng China Coast Guard ang mga nasugatang mangingisdang Pilipino matapos sumabog ang makina ng kanilang bangka habang nasa Bajo de Masinloc.

Ayon kay PCG spokesperson for the West Philippine Sea Commodore Jay Tarriela, natagalan silang makarating sa lugar na kinaroroonan ng mga mangingisdang Pilipino dahil hinarang, hinarass at nagsagawa pa ng mapanganib na maniobra ang CCG at iba pang maritime militia boats laban sa Philippine Coast Guard vessel na BRP Sindangan habang papalapit sa Bajo de Masinloc.

Nagbabala pa aniya ang CCG na aarestuhin nila ang mga mangingisdang Pilipino kapag hindi sila nakipagtulungan.

Sa kabila naman nito, nagawa ng PCG na makapagmaniobra palayo sa rigid hull inflatable boats ng China at matagumpay na nailipat ang mga nasugatang mangingisda sa BRP Sindangan para agarang malapatan ng first aid.

Ginawa ng PCG official ang paglilinaw matapos na maglabas ng video ang Chinese state media na Global times na nagpapakita na nag-isyu umano ang CCG ng radio message na nagsasabing nagsagawa ito ng isang rescue operation.

-- ADVERTISEMENT --

Ipinapakita din nito na nagdeploy ang CCG ng mga inflatable boats, nagbigay ng lifebouys at life jackets sa mga mangingisdang lulan ng lumulubog na Filipino boat at tinulungan umano ang mangingisdang Pilipino.