
Sumuko umano sa mga awtoridad ang isang lalaking iniimbestigahan kaugnay sa pagkakatagpo ng bangkay ng isang dalaga na 19 anyos sa bayan ng Quezon noong Pebrero 12, 2026.
Batay sa ulat ng Nueva Vizcaya Police Provincial Office (NVPPO), nadiskubre ang bangkay matapos akayin ng isang aso ang kanyang amo sa lugar kung saan natagpuan ang sinunog na katawan ng biktima.
Agad na nagtipon ang mga opisyal ng pulisya para sa isang case conference sa pangunguna ni Paul Bometivo, Provincial Director ng NVPPO.
Sa pamamagitan ng masusing pagsusuri ng CCTV footage, follow-up investigation, at case build-up ng pinagsanib na pwersa ng Quezon Police Station at Provincial Intelligence Unit (PIU), natukoy si alyas “Ernie,” 33 taong gulang, tricycle driver at residente ng Brgy. Maddiangat, bilang pangunahing person of interest.
Kahapon, boluntaryong sumuko ang suspek sa mga awtoridad.
Sa kasalukuyan, nasa kustodiya siya ng Quezon Police Station habang inihahanda ang pagsasampa ng mga kaukulang kaso.
Samantala, ipinatupad din ang Search Warrant No. 010-2026 sa isang itim na Mitsubishi Adventure na may plakang XCL 798 na pinaniniwalaang ginamit sa krimen.
Sa isinagawang paghahalughog sa tirahan ng suspek noong Pebrero 13, 2026 bandang alas-7:06 ng gabi, nakarekober ang mga awtoridad ng mga mahahalagang ebidensya na sasailalim sa forensic examination.










