Nagsagawa ng live-fire exercise ang pwersa ng Pilipinas at United States kung saan sinanay ang pagkontra sa mga drone sa ilalim ng 2026 Balikatan Exercise sa San Antonio, Zambales, habang may tensyon pa rin sa West Philippine Sea.

Gumamit ang US forces ng short-range missiles at Stinger missiles mula sa Avenger Air Defense System na tumama sa training drone na bahagi ng drill.

Gumamit din ng Marine Air Defense Integrated System o MADIS ang US forces na nakatama sa Banshee drone na lumilipad sa taas na 9,000 feet.

Kasama rin sa ensayo ang paggamit ng machine gun ng mga sundalong Pilipino at Amerikano laban sa maliliit na drone.

Ayon kay Major Richmon Jan Cayabyab ng Philippine Air Force, mahalaga ang naturang pagsasanay para mapalakas ang kakayahan ng dalawang bansa sa air defense at interoperability.

-- ADVERTISEMENT --

Sinabi naman ni Major Xerxes Trinidad ng Armed Forces of the Philippines, hindi umano ito para mag-provoke ng ibang bansa kundi paghahanda lamang sa posibleng banta sa seguridad ng bansa.

Tatagal ng apat na araw ang live-fire drill sa Zambales, habang may iba pang military activities na isasagawa sa iba’t ibang bahagi ng bansa hanggang Mayo 8.