
Makakatanggap ng karagdagang P6,000 allowance ang mga atletang Pilipino, coaches at iba pang miyembro ng national delegation na sasabak sa 2026 Asian Games sa Japan.
Ayon kay Philippine Sports Commission Chairman Patrick Gregorio, ibibigay ang dagdag na allowance bukod pa sa kasalukuyang benepisyo ng mga national athlete at coach. Ito umano ay direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
May nakalaan ding karagdagang insentibo sa buong delegasyon kung malalampasan ng Pilipinas ang apat na gold medal na napanalunan nito sa nakaraang Asian Games sa China.
Hindi pa inilalabas ang detalye ng naturang insentibo.
Sa ilalim ng Republic Act 10699, makatatanggap ng P2 milyon ang bawat gold medalist, P1 milyon sa silver at P400,000 sa bronze sa mga international competition gaya ng Asian Games.
Sa 2023 Asian Games, nakakuha ang Pilipinas ng 18 medalya, kabilang ang apat na ginto mula kina EJ Obiena, Meggie Ochoa, Annie Ramirez at Gilas Pilipinas.









