
Lumala ang kumpiyansa ng mga negosyo sa bansa noong Marso matapos bumagsak ang Business Confidence Index sa -24.3 porsyento mula 8.2 porsyento noong Pebrero, ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).
Batay sa survey sa 515 kumpanya, sinabi ng BSP na mas marami na ang mga negosyong pesimista kaysa optimista, na pangunahing iniuugnay sa tumataas na presyo ng langis dahil sa nagpapatuloy na alitan sa Middle East.
Ayon sa BSP, inaasahang hihina ang konsumo ng mga mamimili dahil sa epekto ng mas mahal na enerhiya at posibleng pagtaas ng inflation, na makaaapekto sa benta ng mga negosyo.
Bumaba rin ang financial condition index sa -24.9 porsyento mula -15.2 porsyento, habang ang credit access index ay bumaba sa -7.1 porsyento mula -4.0 porsyento, na nagpapakita ng inaasahang paghigpit sa cash flow at pautang.
Malaki rin ang ibinagsak ng kumpiyansa para sa susunod na tatlong buwan sa -17.3 porsyento mula 37.4 porsyento, habang ang one-year outlook ay bumaba sa 11.7 porsyento mula 51.1 porsyento.
Apektado rin ang plano sa trabaho, kung saan halos naging negatibo ang employment outlook para sa Hunyo sa -0.1 porsyento.
Gayunman, sinabi ng BSP na may ilang kompanya pa ring itutuloy ang expansion plans na nauna nang isinaplanong ipatupad bago pa ang krisis sa Middle East.
Samantala, mas gumanda naman nang bahagya ang consumer confidence index sa unang quarter sa -15.8 porsyento mula -22.2 porsyento, batay sa hiwalay na survey sa 5,358 kabahayan.
Ayon sa BSP, isinagawa ang survey bago sumiklab ang mas malawak na tensyon sa Middle East, kaya inaasahang lalabas pa ang epekto nito sa mga susunod na ulat.










