Hinikayat ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang publiko na samantalahin ang mga serbisyo ng maagang screening at pagsusuri upang maagapan ang mga sakit at maiwasan ang mas mataas na gastusin sa pagpapagamot.

Sa isang panayam nitong Huwebes sa isang paglulunsad ng programa sa SSS Diliman, sinabi ni PhilHealth Vice President Walter Bacareza na tungkulin ng pamahalaan na tiyaking madaling maabot ng mga pasyente ang mga serbisyong pangkalusugan.

Ayon kay Bacareza, mahalagang maging available ang mga pasilidad para sa check-up upang mahikayat ang publiko na magpasuri.

Dagdag pa niya, nagiging hadlang sa pagpapatingin ng maraming tao ang layo ng mga pasilidad, kakulangan sa oras, at ang gastos sa pagpapagamot.

Binigyang-diin ni Bacareza na layunin ng pamahalaan na gawing mas madali at mas accessible ang serbisyong pangkalusugan, kabilang ang pagkakaroon ng mga one-stop service centers sa mga lugar tulad ng tanggapan ng SSS.

-- ADVERTISEMENT --

Sa ilalim ng programang Yaman ng Kalusugan Program (YAKAP) ng PhilHealth, sinabi niya na hindi na dapat maging hadlang ang gastusin sa pagpapatingin at pagpapasuri.

Aniya, mahalaga ring maunawaan ng publiko na ang hindi agarang pagpapatingin ay maaaring magdulot ng mas malaking gastos sa buong pamilya sa hinaharap.