Iniulat ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na patuloy na tumataas ang bilang ng mga batang may developmental disabilities, kabilang ang autism, cerebral palsy at iba pang developmental disorders.

Ayon kay PhilHealth President at CEO Dr. Edwin Mercado, posibleng may kaugnayan ang pagtaas ng kaso sa mga pagbabago sa kapaligiran. Aniya, mahalaga ang maagang pagsusuri at therapy upang mas mapabuti ang kalagayan ng mga bata.

Kasunod nito, inanunsyo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang ikalimang SONA na dodoblehin ang PhilHealth benefit package para sa mga batang may developmental disabilities at itataas mula 90 hanggang 150 ang bilang ng therapy sessions na sasagutin ng PhilHealth bawat taon.