Opisyal nang nagsimula ang negosasyon sa pagitan ng Pilipinas at New Zealand ukol sa Status of Visiting Forces Agreement (SOVFA).
Ayon sa isang pahayag mula sa Department of National Defense (DND), ang unang round ng pag-uusap ay naganap noong Enero 23 sa Maynila, na pinangunahan nina DND Undersecretary Pablo Lorenzo at New Zealand Ministry of Defense Director Kathleen Pearce.
Ang SOVFA ay isa sa mga kasunduan na napag-usapan ng Pangulo ng Pilipinas na si Ferdinand Marcos Jr. at ng Punong Ministro ng New Zealand na si Christopher Luxon noong Abril 2024.
Layunin ng SOVFA na ratipikahan ang Memorandum of Arrangement (MOA) sa pagitan ng DND at ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at ng Ministry of Defense ng New Zealand ukol sa Defense Cooperation na nilagdaan noong 2017.
Ayon sa DND, ang kasunduan ay magpapalakas ng kooperasyon sa pagitan ng dalawang bansa sa larangan ng depensa at militar.
Dagdag pa nila, ang pagbuo ng kasunduan ay magiging isang mahalagang hakbang sa pagpapalakas ng relasyon ng Pilipinas at New Zealand, lalo na’t magdiriwang ang dalawang bansa ng ika-60 anibersaryo ng kanilang diplomatic relations sa 2026.
Kasama sa mga delegado mula sa New Zealand si Ambassador Catherine McIntosh, Deputy Head of Mission Stacey Kwant, at isang analyst mula sa Ministry of Defense.
Samantalang kabilang naman sa delegasyong Pilipino sina Justice Undersecretaries Raul Vasquez at Dennis Arvin Chan, Presidential Commission on Visiting Forces Undersecretary Antonio Habulan Jr., Foreign Affairs Assistant Secretaries Aileen Mendiola-Rau at Patrick Chuasoto, at DND Assistant Secretary Erik Lawrence Dy.
Ang Pilipinas ay mayroong SOVFA sa Australia, Visiting Forces Agreement (VFA) sa Estados Unidos, at Reciprocal Access Agreement (RAA) sa Japan.