Nagkasundo ang Philippines at United Arab Emirates na palakasin ang healthcare support para sa overseas Filipino workers o OFWs na nagtatrabaho sa UAE, ayon sa Department of Health o DOH.

Tinalakay ito nina Health Secretary Ted Herbosa at Dr. Maha Barakat, assistant minister for medical affairs and life science ng UAE, sa ginanap na bilateral meeting sa World Health Assembly sa Geneva noong Mayo 19.

Ayon sa DOH, layunin ng dalawang bansa na makabuo ng isang pormal na sistema kung saan maaaring masaklaw ng national insurance systems ng Pilipinas at UAE ang health check-ups at gastusin sa gamot ng mga OFW sa UAE.

Tinalakay din sa pagpupulong ang kahalagahan ng pagpapalawak ng kaalaman ng mga OFW hinggil sa mga sakit tulad ng hypertension at diabetes na karaniwang napapabayaan umano ng ilang Pilipino sa abroad.

Pinuri rin ni Dr. Maha Barakat ang mga Pilipinong healthcare professionals na nagtatrabaho sa iba’t ibang bansa dahil sa malaking ambag ng mga ito sa global health workforce.

-- ADVERTISEMENT --

Batay sa datos ng GMA News Research, mahigit 2.4 milyong Pilipino ang nasa Middle East hanggang Marso 1, 2026, kung saan pinakamalaki ang populasyon ng mga OFW sa UAE at Saudi Arabia.