
Nagbitiw sa puwesto ang direktor ng US National Counterterrorism Center bilang protesta sa nagpapatuloy na digmaan ng United States laban sa Iran, ayon sa ulat.
Kinilala ang opisyal na si Joseph Kent, na itinuturing na pinakamataas na opisyal sa administrasyon ni Donald Trump na nagbitiw kaugnay ng naturang isyu.
Sa kanyang liham na inilathala sa social media, sinabi ni Kent na hindi niya kayang suportahan ang nagpapatuloy na digmaan, at iginiit na walang agarang banta ang Iran sa Estados Unidos.
Ayon pa sa kanya, malinaw umanong naimpluwensyahan ang pagsisimula ng digmaan dahil sa presyon mula sa Israel at sa mga kaalyado nito.
May ilang eksperto rin ang nagsabing kinakailangan ang malinaw na “imminent threat” bago makapaglunsad ng digmaan ang Estados Unidos alinsunod sa umiiral na batas.
Hindi pa naglalabas ng opisyal na pahayag ang White House hinggil sa pagbibitiw ni Kent. Wala rin agad na komento mula sa Office of the Director of National Intelligence.
Ikinagulat naman umano ng ilang intelligence officials ang naturang desisyon.
Samantala, nananatiling tahimik si Tulsi Gabbard, na malapit kay Kent, at hindi pa nagbibigay ng pahayag mula nang magsimula ang digmaan sa Iran.
Lumitaw lamang siya sa publiko sa isang seremonya para sa mga sundalong Amerikano na nasawi sa naturang sigalot.










