Pinaputukan at sinamsam ng Estados Unidos ang isang cargo ship na may bandilang Iranian sa Gulf of Oman noong Linggo matapos umano itong umiwas sa naval blockade ng US, ayon kay US Prfesident Donald Trump at sa militar ng Amerika.

Sa kanyang post sa Truth Social, sinabi ni Trump na matapos hindi sumunod sa utos na huminto ang barkong Touska, pinahinto ito ng guided missile destroyer na USS Spruance sa pamamagitan ng pagpapaputok na tumama sa engine room nito.

Sinabi ni Trump, hawak na ng U.S. Marines ang barko at sinusuri kung ano ang laman nito.

Nangyari ang insidente sa gitna ng tumitinding tensyon sa Strait of Hormuz, isang mahalagang daanan ng pandaigdigang suplay ng langis at liquefied natural gas, na halos isinara mula nang magsimula ang digmaan sa pagitan ng US, Israel, at Iran pitong linggo na ang nakalipas.

Pansamantalang binuksan ng Iran ang naturang kipot noong Biyernes bilang pagkilala sa tigil-putukan sa pagitan ng Israel at Hezbollah sa Lebanon, ngunit muli itong isinara kinabukasan bilang tugon sa patuloy na blockade ng Estados Unidos sa mga barkong papunta at palabas ng mga daungan ng Iran.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon sa US Central Command (CENTCOM), patungo sana ang Touska sa daungan ng Bandar Abbas sa Iran.

Nagpaputok umano ang USS Spruance ng ilang bala mula sa five-inch gun upang mapinsala ang propulsion ng barko matapos itong utusang lumikas mula sa engine room.

Sinabi rin ng CENTCOM na mula nang ipatupad ang blockade, 25 commercial vessels na ang pinabalik o pinahinto.

Ayon pa kay Trump, nasa ilalim ng parusa ng US Treasury ang Touska dahil sa umano’y nakaraang ilegal na aktibidad.

Nakatala ito sa Office of Foreign Assets Control bilang isang Iranian-flagged container vessel na saklaw ng sanctions.

Batay sa huling datos mula sa Marine Traffic, ilang oras bago ang anunsyo ni Trump, ang Touska ay nasa humigit-kumulang 45 kilometro mula sa timog baybayin ng Iran, malapit sa lungsod ng Chabahar.

Ayon naman sa Tanker Tracker, nagmula ang barko sa Malaysia.