Natagpuan ng isang pamilya sa Australia ang isang piraso ng ginto na sinlaki ng palad ng tao na katumbas ng P1.2 milyon habang ipinapasyal ang kanilang aso noong Mother’s Day.
Nakita ng padre de pamilya at ng dalawa niyang anak na babae ang 20-ounce na gold nugget habang inililibot ang kanilang family dog na nagkataon namang may pangalang Lucky.
Kung ang aso nilang si Lucky ang nagdulot ng suwerte, ang isa naman sa mga anak na babae ang siya mismong nakatisod sa piraso ng ginto habang sila’y naglalakad sa Bendigo, Australia.
Planong ibenta ng ama ang ginto lalo na’t medyo kapos daw sila sa pera ngayon.
Bumalik din ang ama sa lugar kung saan nila natagpuan ang ginto dahil alam niya bilang dating prospector na kapag nakahanap ka ng isang malaking tipak ng ginto ay siguradong marami pa ang matatagpuang ginto sa lugar.
Hindi naman sinabi ng pamilya kung nakahanap na sila ng bibili sa kanilang natagpuang ginto.