Sumuko sa Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) ang pitong Indonesian Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) workers.

Sinabi ni PAOCC Executiver Director at Undersecretary Gilbert Cruz, napilitan ang mga ito na sumuko dahil sa nakansela na ang kanilang work visa at naubos na rin ang kanilang pera matapos na ipasara ang operasyon ng lahat ng Pogo sa bansa.

Ang mga sumuko ay kinabibilangan ng limang lalaki at dalawang babae.

Ayon sa PAOCC, nagtago umano ang mga nasabing dayuhan nang simulang ipasara ng pamahalaan ang operasyon ng mga Pogo.

Idinagdag pa ng PAOCC na nagpalipat-lipat din ang mga ito ng lugar para maipagpatuloy ang kanilang iligal na aktibidad, mula Pasay City, Paranaque, Makati, at Cavite, kung saan sangkot din ang mga ito sa scamming.

-- ADVERTISEMENT --

Kasalukuyang nasa kustodiya na sila ng PAOCC at sasailalim sa debriefing bago dalhin sa Bureau of Immigration para sa profiling.

Nakipag-ugnayan na rin ang PAOCC sa Embahada ng Indonesia sa Pilipinas para sa pagpapa-uwi sa mga ito.