Target ngayon ng Philippine National Police (PNP) na walisin ang mga smuggled at ilegal na sigarilyo na talamak ibinebenta sa mga sari-sari store sa bansa.

Sa direktiba ni PNP Chief Jose Melencio Nartatez Jr., inutusan ang lahat ng mga hepe ng pulisya na makipagtulungan sa mga opisyal ng barangay para sa isang malawakang information drive.

Layunin nitong ipaliwanag sa mga maliliit na negosyante na ang pagbebenta ng mga puslit na produkto ay direktang nakatutulong sa operasyon ng mga sindikato.

Bilang bahagi ng hakbang na ito, tutukuyin ng mga awtoridad ang mga partikular na brand ng ilegal na sigarilyo upang magsilbing babala sa mga tindero at publiko.

Binigyang-diin ni Nartatez na kailangang maging mulat ang mga may-ari ng tindahan upang hindi sila magamit bilang bahagi ng supply network ng mga smuggling ring.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, naglabas na rin ng babala si Interior Secretary Junvic Remulla hinggil sa mga nakatakdang raid sa mga pampublikong pamilihan at maliliit na retailer.

Sa kabila nito, binigyan pa ng isang linggong palugit ang mga nagtitinda upang ubusin ang kanilang kasalukuyang stock at tuluyang itigil ang distribusyon bago ang pormal na operasyon.

Nanawagan naman ang PNP sa publiko na makipagtulungan at agad na isumbong ang anumang aktibidad ng ilegal na bentahan sa kanilang komunidad.