
Nagpahayag si Pope Leo na ipagpapatuloy niya ang pagsasalita laban sa digmaan matapos ang direktang pag-atake sa kanya ni US President Donald Trump.
Sinabi ng papa na hindi siya papasok sa mainit na debate kay US President Donald Trump. Dagdag niya, hindi dapat inaabuso ang mensahe ng Ebanghelyo.
Giit ng papa, magpapatuloy siyang magsalita laban sa digmaan at para sa kapayapaan, pag-uusap, at maayos na ugnayan sa pagitan ng mga bansa upang makahanap ng makatarungang solusyon sa mga problema sa mundo. Binigyang-diin din niya na maraming inosenteng buhay ang nasasayang dahil sa mga sigalot at kailangang may tumindig para sa mas maayos na paraan.
Sinabi rin ni Pope Leo na hindi niya nakikita ang sarili bilang politiko kundi bilang tagapagdala ng mensahe ng simbahan at ng kapayapaan.
Sa mga nakaraang linggo, naging mas bukas ang papa sa pagpuna sa digmaan sa pagitan ng US, Israel, at Iran, at tinuligsa rin niya ang lumalalang karahasan sa mundo.
Samantala, naglabas ng matitinding pahayag si Trump sa Truth Social, kung saan tinawag niyang mahina at hindi maganda para sa foreign policy ang papa, kasunod ng mga kritisismo nito sa mga patakaran ng US.










