
Sinisiyasat ng Department of Justice (DOJ) kung may mas malawak na plano sa likod ng mga pangyayari sa Senado na posibleng nagbigay-daan sa pagtakas ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa matapos siyang ilagay sa protective custody.
Ayon kay Justice Secretary Fredderick Vida, pinag-aaralan ng special panel ng DOJ ang kabuuang serye ng mga pangyayari mula sa paglalagay kay Dela Rosa sa protective custody hanggang sa insidente ng lockdown at pamamaril sa loob ng Senate complex upang matukoy kung may naganap na obstruction of justice.
Sinabi ni Vida na kabilang sa mga sinusuri ang mga pahayag tungkol sa umano’y pag-atake sa Senado, ang deklarasyon ng lockdown, at iba pang hakbang na maaaring naging bahagi ng isang planong tumulong sa senador na makatakas.
Batay sa paunang imbestigasyon, natuklasan ng DOJ panel na walang sapat na basehan ang naging aksyon ng Office of the Sergeant-at-Arms laban sa National Bureau of Investigation (NBI), at wala ring indikasyon na tunay na nasa ilalim ng pag-atake ang Senado noong mga panahong iyon.
Kabilang sa mga rekomendasyon ng panel ang pagtukoy sa lahat ng indibidwal na posibleng nakipagsabwatan o tumulong sa pagtakas ni Dela Rosa noong madaling-araw ng Mayo 14, 2026, matapos maisapubliko ang warrant laban sa kanya noong Mayo 11.
Sinisiyasat din kung ang ulat hinggil sa umano’y sniper shots na pinakawalan mula sa ikalimang palapag ng gusali ng Senado patungo sa sasakyan ng NBI ay bahagi ng isang planong inilihis ang atensyon ng mga awtoridad upang mapadali ang pagtakas ng senador.
Ayon sa DOJ, nakabatay ang kanilang mga natuklasan sa mga ebidensyang isinumite ng PNP-CIDG, media organizations, at Government Service Insurance System (GSIS), gayundin sa isinagawang ocular inspection sa GSIS premises.
Patuloy naman ang imbestigasyon at inaasahang hihiling muli ang DOJ ng inspeksyon sa Senado sa ilalim ng bagong liderato ni Senate President Sherwin Gatchalian.










