
Nakipag-ugnayan na ang Department of Energy o DOE sa Philippine Competition Commission o PCC upang imbestigahan ang posibleng sabuwatan sa presyo ng langis.
Ito’y kasunod ng mga alegasyon na ang lingguhang oil price adjustment ay nagiging daan umano sa sabayang pagtataas ng presyo ng mga oil companies.
Ayon kay Energy Secretary Sharon Garin, hiniling na nila sa PCC na suriin kung may nagaganap na anti-competitive behavior sa industriya.
Nilinaw naman ng DOE na wala silang kapangyarihang tukuyin kung may paglabag, dahil nasa PCC ang mandato para magsagawa ng imbestigasyon at maglabas ng findings.
Gayunpaman handa umano ang DOE na magbigay ng kinakailangang datos upang makatulong sa pagsusuri, partikular sa pagtingin kung may pattern sa sabayang galaw ng presyo ng mga kumpanya.
Aminado rin ang kalihim na maaaring repasuhin ang kasalukuyang sistema ng lingguhang oil price adjustment, lalo’t napapansin ang halos magkakatulad na timing at halaga ng dagdag-presyo.
Ipinaliwanag ng DOE na ipinatupad ang weekly adjustments upang maiwasan ang mas malalaking pagtaas kung buwanan ang galaw ng presyo.
Sa gitna nito, sinabi ni Garin na bukas sila sa anumang review o panukalang batas mula sa Kongreso upang mapabuti ang sistema.




