Ikinagulat ng kampo ni Vice President Sara Duterte ang pahayag ng spokesperson ng Senate impeachment court na malaking bahagi ng desisyon kaugnay sa subpoena para sa bank at tax records ng Bise Presidente ay naihanda na bago pa magsimula ang impeachment trial noong Hulyo 6.

Ayon kay defense spokesperson at counsel Atty. Michael Poa, bagama’t nagulat sila sa naturang pahayag, ayaw nilang bigyan ito ng ibang kahulugan o kwestiyunin ang integridad ng impeachment court.

Aniya, tinatanggap nila ang naging desisyon at naniniwalang nabigyan pa rin ng pagkakataon ang depensa na maipaliwanag ang kanilang panig sa pamamagitan ng oral arguments.

Sinabi rin ni Poa na nakausap na niya si Vice President Duterte tungkol sa naging desisyon ng impeachment court, ngunit hindi pa nila napag-uusapan kung magsasampa sila ng legal na hakbang, kabilang ang posibleng pagdadala ng usapin sa Korte Suprema.

Kasalukuyang nasa The Hague ang Bise Presidente ngunit inaasahang babalik din sa bansa sa lalong madaling panahon.

-- ADVERTISEMENT --