Patay sa pamamaril sa garahe ng kanilang bahay sa Angeles City, Pampanga ang isang pulis.

Ang suspek sa krimen ay ang kaniyang misis na isa ring pulis.

Sinabi ni Philippine National Police (PNP) spokesperson Police Brigadier General Jean Fajardo, lumalabas sa imbestigasyon ng Angeles City PNP, na nakarinig ng putok ng baril ang kapitbahay ng mag-asawa noong February 3.

Nakita umano ng kapitbahay ang biktima sa garahe na duguan.

Matapos tumawag sa police station, bumalik ang kapitbahay sa biktima at nakita umano nito ang misis na may hawak na baril.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon kay Fajardo, dinala sa ospital ang suspek na may ranggong police chief master sergeant na nakatalaga sa Angeles City Police Office, subalit binawian din ng buhay.

Inaresto ang misis na suspek, na may ranggong police staff sergeant na nakatalaga sa regional forensic unit.

Sinabi pa ni Fajardo na nakumpirma sa imbestigasyon na ang baril na nakita sa tabi ng pulis ng biktima ay ang issued na baril ng kanyang asawang pulis.

Ayon sa kanya, isinailalim na sa inquest ang babaeng pulis kahapon, at hinihintay na lamang ang resulta ng ballistic examination para makumpirma kung ang baril na nakita sa tabi ng napatay na pulis ay ito mismo ang ginamit sa pamamaril.

Sinabi ni Fajardo, isa sa tinitingnan na motibo sa krimen ang problema sa pagsasama ng mag-asawa.

Mayroong tatlong anak ang mag-asawa na edad dalawa hanggang 11, na ibinigay sa pangangalaga ng mga kaanak ng nasawing mister.