
Patay ang isang pulis matapos pagbabarilin ng mag-ama dahil sa matagal nang galit sa biktima sa Barangay Kalawag 2, Isulan, Sultan Kudarat.
Kinilala ng Isulan Municipal Police Station ang biktima na si Police Executive Master Sergeant Geoffrey Angub, 46-anyos, miyembro ng Bagumbayan Municipal Police Station at residente ng Brgy. Kalawag 2.
Sa isinagawang hot pursuit operation ng Isulan PNP, katuwang ang iba pang yunit ng Sultan Kudarat Police Provincial Office (SKPPO), nadakip ang mag-amang suspek na sina Vincent Dalanon Sr., 54, negosyante at Vincent Dalanon Jr., 29, kapwa residente ng nasabing lugar.
Batay sa report ng Isulan PNP, bandang alas-2:15 ng madaling araw naganap ang krimen sa Peneza Street, Brgy. Kalawag 2, ng nasabing bayan.
Sa pagtatanong ng pulisya sa ilang saksi, nakita nilang magkasamang naglalakad ang biktima at ang matandang Dalanon.
Ilang minuto ang makalipas ay nakarinig na lamang sila ng mga putok ng baril at nakitang nakabulagta sa kalsada ang biktima.
Lumutang naman ang batang Dalanon at muling pinagbabaril ang biktima na naging sanhi ng agaran nitong kamatayan.
Matapos ang krimen ay mabilis na tumakas ang mga suspek, pero kalaunan ay nadakip din ng mga awtoridad nang maharang ang mga ito sakay ng kulay asul na Ford Raptor sa Brgy. Sulit, Polomolok, South Cotabato.
Hinala ng pulisya, posibleng matagal na alitan ang motibo sa krimen.
Nagpapatuloy naman ang ginagawang imbestigasyon ng pulisya habang sinampahan na ng kasong pagpatay ang mag-amang suspek.