
Sinimulan na ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang pagpapatupad ng merit at perfomance-based reassigment ng mga opisyal sa field offices sa buong bansa, na layunin na maisulong ang transparency, accountability at innovation.
Sinabi ni DPWH Secretary Vince Dizon, maaapektohan sa nasabing hakbang ang lahat ng regional directors, assistant regional directors, district engineers at assistant district engineers.
Binigyang-diin ni Dizon na wala nang padrino sa pagkuha at paglalagay sa posisyon sa mga opisyal ng ahensiya.
Ipinaliwanag niya na ibabatay ang promosyon at appointment ng mga kawani ng DPWH sa tama at maayos na maintainance ng mga kalsada at mga tulay, pagkumpleto sa mga nakatengga na mga proyekto, at on-time na completion ng mga proyekto.
Sa Department Order No. 18, series of 2026, sinabi ni Dizon na ang mga sumusunod na criteria ang ikokonsidera sa reassigment ng mga opisyal: technical performance, kalidad ng mga proyekto, planning performance at maraming iba pa.
Isa rin sa konsiderasyon ang findings at rulings sa anomang nakabibinbin na criminal o administrative cases laban sa mga kaukulang mga opisyal.
Sinabi ni Dizon na para maiwasan ang kanilang pagkakasangkot sa partisan politics o familiarity sa stakeholders sa kanilang assigment, ang mga opisyal ng DPWH na lampas na sa kanilang tenure limit para sa kanyang puwesto ang prayoridad para sa reassignment.
Batay sa nakasaad sa order, ang mga regional at assistant regional directors ay magsisilbi ng hanggang limang taon, habang ang mga district at assistant district engineer ay magsisilbi lamang ng hanggang tatlong taon.
Ang hakbang ay bunsod na rin ng pagkakasangkot ng ilang dating mga opisyal ng DPWH sa maanomalyang flood control projects na nagbunsod sa pagsasampa ng mga kaso.










