Maaaring mabawasan ang kinahaharap na problema ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa matapos na posibleng maibasura ang reklamong etika laban sa kanya kaugnay ng umano’y pagliban sa mga sesyon.

Ayon kay Senador JV Ejercito, na siyang namumuno sa Senate committee on ethics and privileges na tumanggap ng reklamo, wala pang umiiral na patakarang no work, no pay sa Senado na maaaring gamitin sa kaso.

Ipinunto niya na kung didinggin man ang reklamo, malamang na maibasura ito dahil wala sa kasalukuyang mga tuntunin ang nasabing probisyon.

Dagdag pa niya, maaaring muling magsampa ng reklamo ang grupong Wag Kang KuCorrupt sakaling amyendahan ng Senado ang mga patakaran upang maisama ang no work, no pay na polisiya.

Hinihikayat din ang mga miyembro ng Senado na magpanukala ng mga pagbabago sa rules kung nais maisama ang naturang probisyon.

-- ADVERTISEMENT --

Huling dumalo si Dela Rosa sa plenary session noong Nobyembre 10 ng nakaraang taon. Mula noon, hindi na siya lantad sa publiko sa gitna ng mga usap-usapan hinggil sa posibleng pag-aresto sa kanya kaugnay ng kanyang naging papel bilang dating hepe ng pambansang pulisya sa kampanya kontra ilegal na droga ng administrasyong Duterte.

Samantala, si dating Pangulong Rodrigo Duterte ay nahaharap sa kasong crimes against humanity sa International Criminal Court sa The Hague, Netherlands, kaugnay ng madugong kampanya kontra droga na ikinasawi ng libo-libong suspek.