Binuksan ni Leyte First District Representative Martin Romualdez ang 20th Congress sa pamamagitan ng paghahain ng panukalang batas na layong isaayos ang National Food Authority upang ibaba ang presyo ng bigas at mapanatili ang suplay.

Batay sa House Bill Number 1, aamiyendahan ang Rice Tariffication Law at ibabalik ang regulatory powers ng NFA upang manghimasok sa rice market at mapigilan ang hoarding, profiteering at price manipulation.

Muling magkakaroon ng authority ang NFA na magrehistro at magkaloob ng lisensya sa grain warehouses, magsagawa ng inspeksyon at mag-monitor sa kalakalan ng bigas.

Kapag naisabatas ay may kapangyarihan din ang NFA na kumpiskahin ang mga inipit na stocks ng bigas at ilalabas sa publiko upang matugunan ang artificial shortage o pagtaas ng presyo.

Bukod dito, bahagi ng magiging mandato ng ahensya ang pagpapanatili ng buffer stocks mula sa lokal na palay at magtatakda ng floor price para sa binibiling palay.

-- ADVERTISEMENT --

Sinabi ni Romualdez na ang panukala ay nakahanay sa Bagong Pilipinas campaign ni Pangulong Bongbong Marcos at sa pagnanais na maibaba ang presyo ng bigas sa pinakamababang antas nang hindi ikalulugi ng mga magsasaka.

Iginiit nito na hindi na maaaring magpatuloy ang paggamit sa krisis sa pagkain upang samantalahin at kumita anag iilan.

Dagdag pa ni Romualdez, dapat na magkaroon ng kakampi ang consumers sa gobyerno pati na ang mga magsasaka kaya sa tulong ng panukala ay mababalanse umano ito.