Kinumpirma ni Department of Justice (DOJ) Secretary Jesus Crispin “Boying” Remulla na tetestigo o magiging state witness si dating PCSO General Manager at retired Police Colonel Royina Garma laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte na nahaharap sa kasong crimes against humanity.
Ayon kay Remulla, pumayag si Garma na tumestigo sa confirmation of charges ng International Criminal Court (ICC) na orihinal na itinakda sa Setyembre 23, 2025 ngunit ipinagpaliban.
Aniya, ito ang dahilan kung bakit nagtungo si Garma sa Malaysia para makipagpulong sa mga kinatawan ng ICC.
Dagdag pa ng kalihim, si dating Senador Antonio Trillanes IV ang nakausap nila kaugnay sa pagiging state witness ni Garma.
Nabatid nitong Sabado ng gabi ay dumating sa bansa si Garma mula sa Los Angeles, California.