Idineklara ng Regional Trial Court ng Maynila na si dating Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo ay isang “undoubtedly Chinese” citizen at walang bisa ang kanyang pagkakaupo bilang alkalde.

Sa isang 67-pahinang desisyon ng quo warranto petition na may petsang Hunyo 27, 2025, sinabi ni Judge Liwliwa S. Hidalgo-Bucu ng Branch 34 na si Guo Hua Ping at Alice Guo ay iisang tao, batay sa mga ebidensyang inilahad sa pagdinig, kabilang na ang fingerprint match na natuklasan ng National Bureau of Investigation.

Ipinunto rin ng korte ang kahina-hinalang mga detalye sa Certificate of Live Birth ni Alice Leal Guo na umano’y hindi suportado ng sapat at kapanipaniwalang ebidensya.

Ayon sa tala ng Bureau of Immigration, dumating si Guo at ang kanyang mga magulang sa Pilipinas mula Fujian, China noong Hulyo 12, 1999.

Dahil dito, pinaboran ng korte ang quo warranto petition na inihain ng Solicitor General, at kinatigan ang pananaw na si Guo ay hindi kwalipikadong tumakbo o magsilbi bilang alkalde dahil sa kawalan ng pagiging natural-born Filipino citizen.

-- ADVERTISEMENT --

Matatandaang noong Agosto 2024 ay inatasan ng Office of the Ombudsman ang kanyang pag-dismiss dahil sa kasong grave misconduct.

Kinaharap din ni Guo ang mga alegasyong may pekeng pagkakakilanlan, pagiging Chinese spy, at pagkakasangkot sa ilegal na POGO syndicate—lahat ng ito ay kanyang itinanggi.