Humigit-kumulang sa P90,000 na halaga ng pera ang natangay mula sa isang ahente at driver nito nang holdapin sa loob ng isang tindahan sa bayan ng Pamplona, Cagayan.

Nakilala ang biktima na si Alfredo Alain, 26-anyos, sales agent, residente ng Maguddayao St., Barangay Ugac Norte, Tuguegarao City at Jonathan Batan, 31-anyos, driver at residente ng Brgy. Dalaoig, Alcala.

Sa ulat ng Pamplona Police Station, bandang alas dose ng tanghali, kahapon (March 12) nang maganap ang insidente sa loob ng tindahan ng kanyang kliyente na matatagpuan sa Brgy Bagu.

Kasalukuyan umanong nakikipag-usap ang biktima sa may-ari ng tindahan nang biglang tutukan ng hindi pa mabatid na uri ng baril ng isang lalaki na nakasuot ng itim na longsleeves at helmet at nagdeklara ng holdap.

Puwersahang kinuha ng holdaper ang sling bag ng biktima na naglalaman ng P90K na halaga ng nakolekta niyang pera at isang unit ng cellphone saka tumakas, kasama ang isa pa na lulan ng isang itim na motorsiklo na nakaabang sa labas.

-- ADVERTISEMENT --

Kasalukuyan nang nagsasagawa ng imbestigasyon ang pulisya hinggil dito kung saan bigo pang mahuli ang holdaper.