Ibinasura ng Sandiganbayan Second Division ang kahilingan na alisin si dating Public Works and Highways Secretary Manuel Bonoan bilang akusado sa kasong graft na isinampa laban sa kaniya at kay Senador Jinggoy Estrada kaugnay ng umano’y iregularidad sa paggamit ng pondo para sa flood control projects.

Ayon sa korte, walang sapat na batayan ang mosyon na inihain upang amyendahan ang impormasyon ng kaso at alisin si Bonoan bilang kapwa akusado.

Iginiit ng Sandiganbayan na maaaring makaapekto ito sa depensa ni Estrada dahil ang kaso ay nakabatay sa umano’y sabwatan o conspiracy.

Nilinaw naman ng korte na hindi nito isinasantabi ang posibilidad na maging state witness si Bonoan sa hinaharap, basta’t matugunan ang mga rekisito ng batas.

Nauna nang hiniling ng prosekusyon na alisin si Bonoan bilang akusado upang makuha ang kaniyang kooperasyon at testimonya laban sa iba pang sangkot sa kaso, ngunit hindi ito pinayagan ng Sandiganbayan.

-- ADVERTISEMENT --