
Pinayagan ng Regional Trial Court sa Lapu-Lapu City, Cebu na makapagpiyansa si contractor Sarah Discaya sa kasong malversation of public funds at paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act kaugnay ng umano’y ghost project sa Davao Occidental.
Sa 15-pahinang resolusyon, sinabi ni RTC Branch 27 Presiding Judge Nelson Leyco na hindi sapat ang ebidensyang iniharap ng prosekusyon upang manatili sa kulungan si Discaya habang dinidinig ang kaso. Itinakda ng korte ang kanyang piyansa sa P1 milyon.
Pinayagan ding makapagpiyansa ang DPWH Davao Occidental finance officer na si Czar Ryan Ubungen sa halagang P300,000 matapos makita ng korte na hindi pa matibay ang ebidensya laban sa kanya.
Gayunman, tinanggihan ng korte ang petisyon para sa piyansa ng walong iba pang akusado, kabilang ang ilang opisyal ng DPWH at isang executive officer ng St. Timothy Construction, dahil sa umano’y matibay na ebidensya na nag-uugnay sa kanila sa pagpirma ng mga pekeng dokumento.
Nilinaw ng korte na ang pagbibigay ng piyansa ay hindi nangangahulugang walang pananagutan ang akusado, kundi pansamantalang kalayaan lamang habang nagpapatuloy ang paglilitis.
Samantala, nananatili pa ring nahaharap si Discaya sa hiwalay na non-bailable case sa Bulacan kaugnay ng umano’y P53.9 milyong ghost project sa Calumpit.










