Nasa 90% na ang natapos sa isinasagawang self-demolition sa mga istruktura na ipinatayo ng mga resort owners sa easement area o ipinagbabawal na lugar na pagtayuan ng mga istruktura sa Nangaramoan Beach Resort sa Sta. Ana, Cagayan.

Ayon kay Department of Environment and Natural Resources Regional Executive Director Gwendolyn Bambalan, pagsunod ito sa Notice of Violation na inisyu ng ahensya sa 49 establisments na iligal na naipatayo sa loob ng 40 meter easement area o no build zone.

Nangako naman si Bambalan na tutulungan ng ahensya ang mga apektadong resort owners na makahanap ng maaari nilang pagtayuan ng istruktura at cottages na malapit sa lugar at makakuha ng permit na naaayon sa environmental laws para makapagpatuloy muli sa kanilang hanapbuhay sa turismo.

Matatandaan na 2018 pa ng binigyan ng abiso ng DENR ang Nangaramoan Environmental Protection Association o asosasyon ng mga resort owners dahil sa iligal na istruktura na kanilang ipinatayo sa easement area.

Binigyang diin ni Bambalan na mahalagang makasunod sa itinakda ng batas upang mapanatili ang natural na ganda ng ipinagmamalaking tourism destination sa bayan ng Sta Ana at upang maproteksyunan ang mamamayan laban sa climate hazzard gaya ng storm surges kapag may bagyo.

-- ADVERTISEMENT --