
Naglabas si Senador Bam Aquino ng progress report kaugnay ng kanyang 10 buwang panunungkulan bilang chairperson ng Senate Committee on Basic Education bago siya mailipat sa minorya kasunod ng pagbabago sa liderato ng Senado.
Sa kanyang ulat, itinampok ni Aquino ang mga programang at repormang isinulong upang tugunan ang krisis sa edukasyon, kabilang ang National Education and Workforce Development Plan 2026–2035 o NatPlan.
Binanggit din niya ang pagkakapasa ng P1.34-trilyong education budget para sa 2026, na kinabibilangan ng pondo para sa pagtatayo ng 25,000 silid-aralan, implementasyon ng Free College Law, at pinalawak na School-Based Feeding Program.
Ayon kay Aquino, layunin ng mga hakbang na matugunan ang learning gaps, kakulangan sa classrooms, at problema sa nutrisyon ng mga mag-aaral.
Sinabi rin niyang patuloy niyang isusulong ang mga reporma sa edukasyon kahit wala na siya sa pamumuno ng komite.








