
KINUWESTIYON ni Senate impeachment court Presiding Officer Francis Escudero ang malaking agwat umano sa idineklarang net worth sa SALN nina Vice President Sara Duterte at asawang si Manases Carpio kumpara sa mga bank transactions na naka-record sa kanilang pangalan.
Ayon kay Escudero, umabot sa P424 milyon ang inflows at outflows sa bank accounts ng mag-asawa mula 2022 hanggang 2025, habang P336 milyon lamang ang kabuuang halaga ng kanilang SALN sa parehong mga taon.
Mas malaking agwat umano ang lumitaw sa P4.4 bilyong covered at suspicious transactions na naitala sa pangalan ng mag-asawa mula 2007 hanggang 2025. Aniya, nasa P840 milyon lamang ang pinagsamang halaga ng kanilang SALN sa naturang panahon.
Tinanong ni Escudero si Anti-Money Laundering Council Executive Director Ronel Buenaventura kung paano maipapaliwanag ang naturang diperensya, ngunit sinabi ng opisyal na hindi niya ito maipaliwanag.
Samantala, iginiit ng kampo ni Duterte na hindi napatunayan ng testimonya ni Buenaventura na ill-gotten o ilegal ang pinagmulan ng pera ng Bise Presidente.
Sa cross-examination, sinabi rin ni Buenaventura na ang pagkakaroon ng Suspicious Transaction Report ay hindi awtomatikong nangangahulugang may ilegal na aktibidad o money laundering.










