Iginiit ni Senador Sherwin Gatchalian ang legalidad ng sesyon ng Senado noong Hunyo 3 kung saan idineklara ng kanilang grupo na may quorum at nagkaroon ng pagbabago sa ilang posisyon sa pamunuan ng mataas na kapulungan.

Ito ay matapos kuwestiyunin ni Senador Loren Legarda ang naturang sesyon at sabihing labag umano ito sa Konstitusyon dahil kulang ng isang boto upang mabuo ang kinakailangang mayorya.

Sa panayam sa mga mamamahayag, sinabi ni Gatchalian na bagama’t iginagalang niya ang opinyon ni Legarda, mas mabigat aniya ang pananaw ng mga legal expert at mga organisasyong may sapat na kaalaman sa batas.

Tinukoy niya ang suporta ng Integrated Bar of the Philippines (IBP), asosasyon ng mga dean ng law schools, at ilang dating Senate President na nagpahayag ng kanilang paniniwala na legal ang isinagawang sesyon.

Nauna nang sinabi ng IBP na naging balido at naaayon sa batas ang sesyon noong Hunyo 3 dahil nakabuo umano ito ng quorum na binubuo ng 12 senador, alinsunod sa tinatawag na Avelino Doctrine.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon pa sa IBP, ang lahat ng naging aksyon, resolusyon, at desisyon sa naturang sesyon ay itinuturing na opisyal na hakbang ng Senado at may presumption of regularity bilang bahagi ng kanilang tungkulin.

Samantala, sinabi ni Gatchalian na nakipagpulong na rin siya sa unyon ng mga empleyado ng Senado upang tiyakin na hindi maaapektuhan ang suweldo, benepisyo, at iba pang administratibong operasyon ng institusyon.

Aniya, sinimulan na rin ang pagpapalit ng mga awtorisadong signatory sa mga bangko at payroll system upang matiyak ang tuloy-tuloy na operasyon ng Senado.

Dagdag pa ng senador, nakikipag-ugnayan na rin sila sa Civil Service Commission (CSC) upang maging maayos ang transisyon ng liderato. Nang tanungin kung sila ang kinikilalang pamunuan ng Senado ng CSC, diretsahang sumagot si Gatchalian na sila ang kinikilala ng ahensya.

Kaugnay naman ng panawagan para sa isang special session, sinabi ni Gatchalian na wala pang pormal na kahilingan na naipapadala sa Malacañang dahil kinakailangan pa itong pag-usapan ng buong Senado.

Ayon sa senador, mahalagang magkaroon muna ng konsultasyon sa lahat ng miyembro ng mataas na kapulungan bago magpasya sa paghiling ng espesyal na sesyon.

Kabilang sa mga usaping naaapektuhan ng kasalukuyang sigalot sa Senado ang kumpirmasyon ng limang heneral ng Armed Forces of the Philippines na nakabinbin pa sa Commission on Appointments.

Nauna nang sinabi ng Malacañang na bukas si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na magpatawag ng special session sa sandaling makatanggap ito ng opisyal na kahilingan mula sa kinikilalang liderato ng Senado.