
Kinikilala lamang ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang liderato ni Senador Sherwin Gatchalian sa Senado, ayon sa Malacañang, sa gitna ng umiinit na sigalot sa liderato ng Mataas na Kapulungan.
Ayon kay Palace Communications Undersecretary Claire Castro, malinaw na ang ehekutibo ay may kinikilala nang lehitimong liderato sa Senado, at kung may mga usaping legal hinggil dito ay bahala na ang mga kinauukulan.
Ginawa ng Palasyo ang pahayag kasabay ng paghahanda ng administrasyon na magsumite ng panukalang supplemental budget sa Kongreso para sa karagdagang pondo ng mga programa ng pamahalaan, kabilang ang ayuda sa mga apektado ng pagtaas ng presyo dulot ng tensyon sa Iran.
Ayon kay Castro, ang usapin sa Senate leadership ay hindi pakikialam ng Malacañang, at iginiit niyang ang kaguluhan sa Mataas na Kapulungan ay hindi dulot ng ehekutibo.
Giit pa ng Palasyo, ang lahat ng nangyaring tensyon sa Senado kamakailan ay nag-ugat sa internal na usapin ng kapulungan, at hindi dahil sa anumang interbensyon ng administrasyon.
Samantala, patuloy na isinasapinal ng Palasyo ang detalye ng hiling na supplemental budget, habang hinihintay din nito ang kahilingan ng Senado para sa posibleng special session upang maipasa ang mga nakabinbing panukala at promosyon ng ilang opisyal ng militar na naapektuhan ng sigalot.
Ang patuloy na banggaan sa liderato ng Senado ay nagaganap habang papalapit ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte, kung saan ang Senate President ang magsisilbing presiding officer ng impeachment court at may mahalagang papel sa mga procedural at teknikal na usapin ng paglilitis.









