Inihain ni Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada ang Senate Bill No. 3001, o ang tinatawag na Rationalized Basic Education Act, na layong tanggalin ang senior high school sa kasalukuyang sistema ng K-12.

Bagama’t hindi nito tuluyang pinawawalang-bisa ang Republic Act 10533 o ang Enhanced Basic Education Act of 2013, tinatarget ng panukala ang pag-alis ng karagdagang dalawang taon sa senior high school.

Ayon kay Estrada, sa loob ng labindalawang taon mula nang ipatupad ang K-12, hindi pa rin nito naaabot ang mga layunin nitong mapabuti ang kalidad ng edukasyon at bigyang-kakayahan ang mga estudyanteng makapagtrabaho agad matapos ang high school.

Dagdag pa niya, ito ay naging dagdag-gastos lamang sa mga estudyante at kanilang mga magulang, ngunit hindi naman nagbunga ng inaasahang mga oportunidad para sa kabuhayan.

Sa ilalim ng panukala, ang magiging bagong balangkas ng basic education ay isang taon ng kindergarten, anim na taon ng elementarya, at apat na taon ng high school.

-- ADVERTISEMENT --

Layunin nitong gawing mas simple, epektibo, at makabuluhan ang sistema ng edukasyon, habang mas mahusay na ginagamit ang mga pondo at resources ng pamahalaan.

Bahagi rin ng panukala ang pagpapalit ng terminong “enhanced” sa kasalukuyang batas at gagawing “rationalized” upang ipakita ang layunin nitong pagsasaayos sa sistema.

Matatandaang kabilang si Estrada sa mga senador na bumoto pabor sa pagpapatupad ng K-12 noong 2012. Ang nasabing batas ay iniakda ni dating senador Sonny Angara, na ngayon ay nanunungkulan bilang Kalihim ng Department of Education.

Sa paniniwala noon, ang senior high school ay idinagdag upang iayon ang sistema ng edukasyon ng Pilipinas sa mga internasyonal na pamantayan at bigyang pagkakataon ang mga nagtapos na makapagtrabaho kahit hindi tumuntong ng kolehiyo.