Nagpalitan ng pahayag sina Senator Raffy Tulfo at Senator Pia Cayetano sa plenaryo ng Senado kaugnay ng hindi pa kumpletong membership sa ilang Senate committee na sinabing nakaaapekto sa pag-usad ng mga panukalang batas.

Ayon kay Tulfo, naaantala umano ang pagtalakay sa ilang panukala dahil hindi pa kumpleto ang membership ng Committee on Public Services at Committee on Migrant Workers.

Kabilang dito ang panukalang Department of Water at mga hakbang para sa reintegration ng overseas Filipino workers.

Kinuwestiyon ni Tulfo ang umano’y hindi pagkilos ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano sa pagkumpleto ng membership ng mga minority senator sa naturang mga komite.

Tinugunan naman ito ni Senator Pia Cayetano at sinabing maaari namang idaan ni Tulfo sa kanya ang anumang concern para sa kanyang kapatid na si Alan Peter Cayetano, sa halip na talakayin ito sa plenaryo.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, sinabi ni Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri na pag-uusapan ang usapin sa committee membership at maaari nang simulan ang election ng mga miyembro ng mga komite sa Miyerkules.